Pangulong walang pakialam sa paliit na paliit na halaga ng kita ng mga nagtatrabaho

KITANG-KITA ang mga katibayan sa pagiging inutil ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pahirap na pahirap na buhay ng mga nagtatrabaho sa mga pribado ng kumpanya at mga ahensiya ng pamahalaan.

Ngayong linggo, ikasiyam nang nagtaas ang presyo ng mga produktong petrolyo tulad ng gasolina, diesel at kerosene. Naganap sa panahong halos limang milyon ang mga Filipino na walang trabaho, ayon sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE). Karamihan naman ng mga manggagawa at empleyado na mayroong trabaho ay napakababa ng suweldo, sapagkat mayroong mga negosyanteng sobrang sakim sa kita.

Gusto ng mga kapitalistang ito na tanging sila lang ang maging maayos at estable sa buhay.

Sa siyam na linggong pagsirit ng presyo ng gasolina, diesel at gaas ay palaging balita sa news programs sa mga telebisyon ang negatibong epekto ng umento sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan at opereytor o may-ari ng mga dyip.

Hindi ko maintindihan kung bakit sa dalawang tauhan ng pampublikong transportasyon nakatuon ang mga reporter ng mga telebisyon, samantalang hindi lang naman ang mga tsuper at opereytor ang nabawasan ng kita sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sapul na sapul din ang mga manggawa, empleyado, kasambahay at iba pang sektor sa uring manggagawa dahil patuloy ding nagtataasan ang presyo ng mga bilihin tulad ng karne ng baboy, karne ng baka, manok, isda, gulay, prutas at iba pa.

Huwag kalimutan ng mga mamahayag na kapag nagkaroon ng umento sa presyo ng mga produktong petrolyo ay hindi awtomatikong tumataas ang suweldo at mga benepisyo ng mga taong kumikita lang sa pagtatrabaho sa mga pribadong kumpanya at mga ahensiya ng pamahalaan.

Ganid na kapitalista

Hindi natutumbok ng mga reporter ang pasimuno sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa Pilipinas na mga ganid na kapitalistang lokal at ang mga bansang kaanib sa Organization of Petroluem Exporting Countries (OPEC).

Kapansin-pansing hindi rin inaalam ng mga mamamahayag ang kawalan ng mabilis na aksyon ng pagiging inutil ni Duterte sa mga nangyayari sa kita o sinasahod ng mga manggagawa.

Sa siyam na linggong serye ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ay siguradong lumiit nang lumiit ang halaga ng kita o natatanggap na sahod ng lahat ng nagtatrabaho.

Sa kongreto, nababawasan ang kayang bilhin ng P100. Ang pagtuloy na pagliit ng halaga ng kita o sahod ay resulta ng pagtaas ng presyo ng mga komoditi. Tumaas ang presyo ng komoditi dahil ipinapasa ng mga kapitalista, middle nan, dealer, at sinumang taong gustongkumita sa bawat komoditi na itinda sa palengke, tindahan, grocery, supermarket at iba pa.

Siyempre, kasama ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Pananahimik ni Duterte

Sa kabila ng negatibong epekto ng sunud-sunod na pagsirit ng presyo ng gasolina, krudo at gaas, hindi kumikilos at hindi nagdedesisyon si Duterte. Kakaiba ang pananahimik ni Duterte sa lublob sa kahirapan ng buhay ng mga manggagawa kung ikukumpara sa desisyon at aksyon niya sa mga kaibigan at mga nakatulong sa kanyang mga negosyante na sangkot sa mga kabulastugan sa pondo ng pamahalaan. Kapag nakaladkad ang mga ‘alaga’ niyang kapitalista at mga ‘paborito’ niyang opisyal ng pamahalaan ay napakabilis niyang ipinagtatanggol at ipinaglalaban, lalo na kung korapsyon at pandarambong ang kinasasangkutan nila.

Marami nang sikat na mga personalidad ang nanawagan kay Duterte na kagyat na isuspinde ang “excise tax” sa produktong petrolyo, ngunit balewala ito sa Pangulo.

Kahit ang sagad-saring maka-administrasyong kandidato sa pagkapangulo ng bansa na si dating senador Ferdinand “Bongbong”Marcos Jr. ay hindi rin inintindi ni Duterte.

Ang excise tax ay nakalagay sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law (TRAIN Law).

Tumaas ang buwis ng mga produktong petrolyo sa panahon ni Duterte. Dagdag buwis ang excise tax sa umiiral nang value-added-tax (VAT) sa mga produktong petrolyo.

Ang excise tax ay isa sa mga instrumento ng mga kapitalistang Filipino para dagdagan ang presyo ng mga bilihin. Siyempre, palihim na nadagdagan din ang kita ng mga kapitalista.

Kinukunsinti

Ang lantarang ‘di pag-aksyon ni Duterte tungkol sa walang prenong pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ay nangangahulugan bang kinukunsinti at kinakampihan niya ang mga malalaking kapitalistang nagnenegosyo ng mga produktong petrolyo tulad nina Dennis Uy at Ramon Ang at pamilya Sy?

Higit bang mahal at nagmamalasakit si Pangulong Duterte sa mga dambuhalang kapitalista kaysa mga manggagawa at kawani? Kung mga malalaking kapitalista at mga opisyal ng pamahalaang sangkot sa korapsyon at pandarambong ang mahal na mahal ni Pangulong Duterte, wasto lamang na hindi na siya tumakbong bise – presidente sa eleksyon magaganap sa Mayo 2022.

Huwag na rin siyang tumakbo sa pagkasenador tulad ng inuudyok ng isang opisyal ng pamahalaan na mataas ding opisyal ng Partido Denokratiko Pilipino – Laban ng Bayan (PDP-Laban) na si Secretary Alfonso Cusi.

Leave a Comment

Your email address will not be published.

ABOUT US

Welcome to Metro Sun, an online news website where stories inspire community engagement and digitally fuelled actions for economic change in the Philippines or any associated countries based on current events.

AFFILIATE DISCLOSURE

Some links on this page are affiliate links in which we earn a commission from sales of items we recommend at no extra cost to you. And as an Amazon Associate, we also earn from qualifying purchases linking to any of their websites. Please read our Disclaimer linked below.

Scroll to Top