Ni Cyrill Quilo
LAGUNA – Wala nang pwede pang paglagakan ng pasyenteng tinamaan ng nakamamatay na COVID-19 sa lungsod ng Sta. Rosa, kung saan puno na ang lahat ng mga pagamutan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Mayor Arlene Arcillas na bukod sa puno na ang kanilang mga pasilidad, kulang na kulang na rin sila sa mga medical professionals dahil maging ang mga taong dapat sana’y kumakalinga sa mga may karamdaman ay pasyente na rin.
Pag-amin ng alkalde, dalawang linggo nang hindi tumatanggap ng mga pasyente ang mga ospital sa kanilang lokalidad.
“Maraming nagpa-positive na doctors at nurses kaya kulang ng tao.” Gayunpaman, inilagay na lamang pansamantala sa homecare ang mga pasyenteng naghihintay na makapasok sa ospital lalo na yaong mga mild cases lamang.
Pinaigting na rin aniya ng kanilang ng pamahalaang lungsod at Laguna Technopark Association Inc. ang pagbibigay ng bakuna sa mga manggagawa sa loob ng mga industrial complex ng lungsod.
Bagama’t may nakalaang bakuna para sa lungsod, nanawagan pa rin si Arcillas para sa karagdagang suplay.