SA nakalipas na walong taon, ipinagkibit-balikat lang ng isang tigasing kapitan ang mga direktiba ng Commission on Audit (COA) kaugnay sa umano’y iregularidad sa pondo ng isa sa pinakamayamang barangay sa Calabarzon region.
Batay sa mga dokumentong nakalap mula sa COA, isang Kapitan Allan de Leon, ng Barangay Dolores sa bayan ng Taytay, ang nagmamatigas sa direktiba ng COA kaugnay ng umano’y mga maanomalyang transaksyon ng nasabing opisyal at kasapakat na ingat yamang kinilala bilang isang Olivia Adriatico. Aniya, taong 2014 pa nang ilabas ng COA ang resulta ng kanilang pagsusuri sa estado ng pananalapi ng nasabing barangay, at nasundan pa umano ng mas marami pang bulilyasong naispatan ng nasabing ahensiya sa kanilang taunang audit report.
Hindi na bago ang kawatan sa gobyerno. Iba si de Leon, katangi-tangi.
Kung totoo ang bawat titik ng mga dokumento mula sa COA, mistulang ATM niya ang kaban ng kanilang pamayanan. Kaya ang resulta, ubos hanggang barya. Taong 2020 nang sinuspindehin ng COA ang kanilang pagsusuri sa Barangay Dolores dahil sa umano’y pagmamatigas ni de Leon na magsumite ng mga kaukulang dokumento magpapatunay na walang anomalya sa mga transaksyong pinasok nito mula pa 2014.
Kasabay ng inilabas na Notice of Suspension ng auditing procedure, inirekomenda rin ng COA ang agarang suspensyon ng nasabing kapitan.
Ang siste, hindi naman sinuspinde ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Hindi biro ang nawawalang pondo ng gobyerno, may mga taong mahigit P6 na milyon ang pilit hinahagilap ng COA. Ipagpalagay na lang nating P6 milyon kada taon ang hindi maipaliwanag kung saan napunta, lumalabas na P48 milyon ang nawawala sa kaban ng gobyerno – P2 milyon na lang, pasok na sa plunder, isang kasong no bail batay sa umiiral na Revised Penal Code.
Kaya naman nagpasya ang COA — tigil na lang ang pag-o-audit.
Anila, hindi raw nila magawang mag-audit, dahil wala naman silang susuriin. Sa ipinamamalas na tikas ni de Leon, pihadong idol niya si Pangulong Rodrigo Duterte na sa kagustuhang pagtakpan ang mga bulilyaso ng mga taong itinalaga, sukdulan manduhan ang COA – aniya, tantanan na!
O di naman kaya, nasa isip niyang tamang deadmahin ang COA sa nakitang anomalya sa kanyang nasasakupan.
Pero teka. Ano nga ba ang buod ng mga ibinabatong paratang kay de Leon? Maliit na bagay lang naman — mga kwestiyonableng disbursement ng barangay, bale ni Kap, petty cash, mga reimbursement, maging ang donasyon umano’y pinababayaran sa barangay sa gitna ng pandemya.
Pati yata personal niyang luho, sagot ng barangay kung susuriin sa mga resibong na-reimburse niya.
Oops, di pa kasama diyan ang SOP ha.