Isko Moreno, burado sa mga manggagawa

LUMABAS ang totoong kulay ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ilang araw pa lamang matapos ang panahong itinakda ng Commision on Elections (Comelec) sa paghahain ng certificate of candidacies (COCs).

Hindi dilaw, hindi pula, hindi asul, hindi luntian, hindi rin pink, kundi “itim”.

Itim ang totoong kulay ni Moreno sa mga manggagawa dahil sa kanyang solidong pagtutol na tapusin ang kontraktuwalisasyon sa Pilipinas.

Hindi magandang posisyon o paninindigan sa tulad ni Moreno na tumatakbo sa pagkapangulo ng bansa para sa eleksyon sa Mayo 2022.

Si Moreno ay kandidato ng Aksyon Demokratiko (Aksyon) kung saan nailuklok siyang pangulo ng nasabing partido makaraang layasan niya ang National Unity Party (NUP) at ilang araw bago siya maghain ng COC sa Comelec. Kahit hindi posisyon ng pagkapangulo ang takbuhan ni Moreno o sinumang pulitiko ay hindi makatwirang banggain at kalabanin ang napakatagal ipinaglalalaban ng mga manggagawa na matapos na ang kotraktuwalisasyon sa bansa.

Sa lahat ng tumatakbo sa pambansang posisyon, tanging si Atty. Jose Sonny Matula ng Nagkaisa Labor Coaliton (Nagkaisa) ang bumira sa pagpabor ni Moreno na manatili ang kontraktuwalisasyon sa bansa.

Idinin ni Matula na ang isyu ng kontraktuwalisasyon o endo (end of contract) ay hindi lamang tungkol sa pagkakaroong trabaho ng mga manggagawa, kundi pagkakaroon ng disente at regular na trabaho.

Tumindig at nagsalita si Matula upang ipagtanggol ang mga manggagawa laban kay Moreno makaraang sabihin ng alkalde ng Maynila sa midya nitong Sabado na hindi dapat unahing aksyonan ang suliranin tungkol kontraktuwalisasyon, kundi ang problema muna ng mga negosyante.

Sa madaling salita, una at prayoridad ni Moreno ang mga kapitalista kaysa sa mga manggagawa.

Ibig sabihin, higit na mahalaga kay Moreno ang mga kapitalistang marami nang pera kumpara sa mga manggagawang walang regular na kita dahil walang regular nagtrabaho.

Kapag naging pangulo ng Pilipinas, siguradong walang maaasahan ang milyun-milyong manggagawang kontraktuwal ang kalagayan sa mga pinapasukang kumpanya.

Isa sa mga kandidato sa pagkasenador ng tambalang Robredo – Pangilinan si Natula.

Si Matula ay tserman ng Nagkaisa. Pangulo siya ng Federation of Free Workers (FFW) na isa sa mahigit 40 pederasyon at unyon ng mga manggagawa sa iba’t ibang panig ng bansa na kasapi ng Nagkaisa.

Isa rin sa mga convenor ng Alliance of Labor Leaders for Leni (ALL4Leni) si Matula. Tinuran ni Matula na ang “issue of contractualization – endo, 555, labor only contracting, and the like – is an issue on exploitation of labor”.

Ang kontraktuwalisasyon ay isa ring pag-atake sa “fundamental right of workers to security of tenure”, dugtong ng kandidato sa pagkasenador.

“It was definitely ill-advised for Mr. Isko Moreno to dismiss the importance of regularization of jobs to Filipino workers. Ending contractualization should be on top of the menu for any person vying for the presidency,” paliwanag ni Matula kay Moreno.

Kahit saang anggulo ay wasto ang pagkastigo ni Matula kay Moreno, sapagkat napahalagang usapin sa mga mangggawa ang pagkakaroon ng regular, disente at mataas na suweldong trabaho.

Kadikit na kadikit ito sa napakatagal na ring ipinaglalaban ng mga manggagawa na itaas ang minimum na sahod sa antas na makabubuhay nang maayos at masagana sa bawat pamilya ng mga manggagawa.

Pabor na pabor sa pagwawakas ng kontraktuwalisasyon at makabubuhay na sahod, sapagkat bilang mamamahayag, kumikita rin ako dahil sa suweldo.

Sa mga tumatakbo sa pagkapangulo, pagkapangalawang pangulo, pagkasenador at pagiging kongresista, kailangang itanim ninyo sa inyong mga isipan at puso and maisulong ang regularisasyon ngbtrabaho ng lahat ng mga manggagawang Pilipino.

Matagal nang suliranin ang kontraktuwalisasyon, ngunit hanggang ngayon ay magkasalungat ang datos ng Department of Labor and Employment DOLE), Philippine Statistics Authority (PSA) at organisasyon ng mga negosyante.

Subalit, nagkakaintindihan silang milyun-milyon ang mga manggagawang hindi regular ang istatus sa mga pinapasukang kumpanya.

Para sa kaalaman ni Isko Moreno, ilang dekada nang problema ang kontraktuwalisasyon sa bansa.

Sa panahon ng idolo ni Moreno na si Ferdinand E. Marcos pa naging masahol at malupit ang kontraktuwalisasyon. Kaya, nararapat lamang na kumilos ang sinumang susunod na magiging pangulo ng bansa sa Hunyo 30, 2022 laban dito upang magkaroon ng kaluwagan sa buhay ang mga mangagawa sa sistemang naghahari ang mga tuso at gained na kapitalista.

Leave a Comment

Your email address will not be published.

ABOUT US

Welcome to Metro Sun, an online news website where stories inspire community engagement and digitally fuelled actions for economic change in the Philippines or any associated countries based on current events.

AFFILIATE DISCLOSURE

Some links on this page are affiliate links in which we earn a commission from sales of items we recommend at no extra cost to you. And as an Amazon Associate, we also earn from qualifying purchases linking to any of their websites. Please read our Disclaimer linked below.

Scroll to Top