Inilaglag ng administrasyong Duterte si Bongbong Marcos

SI Davao City Mayor Sara Duterte – Carpio ang kandidato ng administrasyong Duterte o ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa pagkapangulo ng bansa sa halalang Mayo 2022.

Ang palatandaan na si Sara ang pambato ng administrasyon ay ang ‘di paghahain ng certificate of candidacy (COC) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Commission on Elections (Comelec) sa pagkabise – presidente.

Inihayag na ni Sara na ang kasunduan nilang mag-ama ay hindi puwedeng tumakbo nang sabay ang dalawang Duterte sa dalawang pinakamataas na posisyon ng pamahalaan.

Si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang pinatakbo ni Duterte sa pagkabise-presidente.

Sinamahan pa ni Duterte si Go nang maghain ito ng COC sa Comelec. Malinaw na suportado ng Pangulo ang manok niya na beterano niyang alalay. Kaya, si Go ang kandidato ng PDP-Laban sa halalan para sa pangalawang pangulo ng bansa.

Makakalaban niya sina Senate President Vicente Sotto, Senador Francis Pangilinan, Representative Lito Atienza at Dr. Willie Ong.

Si Ong lang ang hindi pulitiko sa kanila. Ngunit, tumakbo na si Ong sa pagkasenador noong eleksyong 2019, pero natalo.

Ang inihaing COC ni Sara Duterte – Carpio ay para sa pagkaalkalde pa rin ng Davao City.

Gusto raw niyang tapusin ang ikatlo at huling termino sa nasabing posisyon. Mula rito ay nagkaroon ng serye ng mga balita, pananaw, haka-haka at analisis na nagsasabing taktika ito ng administrasyong Duterte.

Tingin nila, tatakbo pa rin si Sara sa pagkapangulo dahil pinapayagan naman ng Fair Election Law ang “substitution” ng mga kandidato.

Mayroong lumabas na balita na nagsasabing tiniyak ni Sara na walang hindi siya magiging pamalit sa kandidato ng PDP-Laban.

Lumabas ang balita ilang araw matapos na maghain ng COC si Senador Ronald dela Rosa bilang kandidato ng PDP-Laban sa pagkapresidente.

Maraming nagulat dito dahil walang lumabas na kahit isang balita sa mga nakaraang araw at buwan, kahit sa mga pahayagang patapos, na si Dela Rosa ang posibleng makatambal ni Bong Go. Walang nakapag-isip na makukumbinsi ng pangkat sa PDP-Laban ni Energy Secretary Alfonso Cusi si Dela Rosa na tumakbo sa pagkapresidente.

Bagito kasing senador si Dela Rosa. At sa pagiging bagito nito ay hindi kahanga-hanga at kagilas-gilas ang kanyang mga nagawa mula nang maging miyembro ito ng mataas na kapulungan ng Kongreso noong 2019.

Matapos maghain ng kanyang COC, kampante at diretso niyang sinagot ang tanong ng mga mamahayag hinggil sa kanyang kahandaang palitan ni Sara kung sakaling maghain ang huli ng COC sa pagkapangulo bago sumnapit ang Nobyembre 15.

Handa ang senador sa anumang desisyon at ipag-utos ng pamunuan ng PDP-Laban ni Cusi.

Tiyak alam nina Pangulong Duterte at Bong Go ang pagtalaga kay Dela Rosa bilang kandidato ng PDP-Laban sa pagkapresidente dahil hindi puwedeng paglihiman at pagtaksilan ng pangkat ni Cusi ang kanyang mga among sina Duterte at Go.

Ang ideya ay hindi nakapanghihinayang kung mapalitan si Dela Rosa. Hindi rin sasama ang loob niya dahil mananatili siyang senador hanggang 2025.

Kung susuriing mabuti, sampal sa pamilya Marcos ang ginawang paglaglag ng administrasyong Duterte kay dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Si Marcos ay naghain ng kanyang COC sa pagkapresidente, gamit ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP). Walang katambal na pangalawang pangulo si Marcos. Wala rin siyang mga kandidato sa pagkasenador. Wala ring maraming kasapi ang PFP.

Nagsarili ang pamilya Marcos. Nagsarili si Bongbong Marcos. Palagay ko, ang tanging nakakaalam ng totoong dahilan kung bakit inilaglag ng administrasyong Duterte o ng PDP-laban ay sina Cusi at Go.

Kung magbabago ang isipan ni Sara matapos ang napakaraming hakbang upang kumbinsihin siyang tumakbo sa pagkapangulo ng bansa, makakalaban niya sina Senador Panfilo Lacson, Senador Emmanuel Pacquiao, Bise-Presidente Maria Leonor Robredo, Manila Mayor Francisco Domagoso at siyempre si Bongbong Marcos.

Kung hindi matuloy, malaman natin kung aampunin ng PDP-Laban si Bongbong Marcos bilang kapalit ni Dela Rosa.

Leave a Comment

Your email address will not be published.

ABOUT US

Welcome to Metro Sun, an online news website where stories inspire community engagement and digitally fuelled actions for economic change in the Philippines or any associated countries based on current events.

AFFILIATE DISCLOSURE

Some links on this page are affiliate links in which we earn a commission from sales of items we recommend at no extra cost to you. And as an Amazon Associate, we also earn from qualifying purchases linking to any of their websites. Please read our Disclaimer linked below.

Scroll to Top